[0:06]Ang Vietnam War ay isang magastos, madugo at mahabang digmaan ng 20th century. Isa ito sa itinuturing na pinaka-maimpluwensyang digmaan sa kasaysayan, kung saan ang epekto nito ay nadama sa buong daigdig. Ang Vietnam War o kilala din sa tawag na The American War sa Vietnam ay bahagi ng mas malaking tunggalian ng ideolohiya sa pagitan ng USA at USSR na kung tawagin ay Cold War. Tumagal ito ng humigit kumulang 25 taon, kung saan mayroon itong dalawang phase. Ang First Indochina War mula 1946 hanggang 1954 at ang Second Indochina War mula 1955 hanggang 1975. Sa loob ng humigit kumulang 25 taon, ang Vietnam ay mababalot ng kaguluhan at kamatayan. Ang ugat ng digmaan sa Vietnam ay nagsimula pa noong ikalawang bahagi ng 19th century. Ang Vietnam ay matatagpuan sa rehiyon na kung tawagin ay Indochina sa Timog Silangang Asya. Mayaman ito sa likas na yaman at nasa estratehikong lokasyon sa West Philippine Sea, kaya naman naging kaakit-akit ito para sa mga imperyalista. Isa sa mga nagka-interes sa Vietnam ay ang France. Pinatunayan na noon pa man ng mga Vietnamese ang kanilang pagiging mapagmahal sa kalayaan, dahil mula noong 1857 hanggang 1888, pilit nilang nilabanan ang mga imperyalistang French. Gayunpaman, natalo din ang mga Vietnamese makalipas ang halos 30 taong pakikibaka. Dahil sa kanilang pagkatalo, ang Vietnam ay naging kolonya ng France. Kagaya ng mga naganap sa Pilipinas at iba pang bansang biktima ng imperyalismo, nagkaroon ng malaking agwat sa pamumuhay ng mga mahihirap at mayayamang Vietnamese dahil na rin sa pamumuno ng mga French. Ang hindi pagkakapantay-pantay na ito ang magiging inspirasyon ng mga Vietnamese na lumaya mula sa lahat ng mananakop. Sa pagputok ng ikalawang digmaang pandaigdig, inagaw ng mga Hapon ang Vietnam mula sa mga French. Nilabanan naman ng mga Vietnamese sa pamumuno ng komunistang lider na si Ho Chi Minh ang mga Hapon para sa kalayaan. Si Ho Chi Minh ay isang nasyonalistang lider na nangangarap ng isang malayang Vietnam. Mula pa noong World War I, siya ay aktibo ng nakikipaglaban para sa pagkamit ng kalayaan. Gayunpaman, dahil sa labis na hindi pagkakapantay-pantay sa Vietnam at inspirasyon ng Bolshevik Revolution, naging komunista si Ho Chi Minh, kung saan kanyang itinatag ang Indochinese Communist Party noong 1930. Noong World War II, nakita niya ang pagsakop ng Germany sa France bilang pagkakataon na palayain ang kanyang bansa, kaya naman agarang siyang bumalik kasama ang kanyang mga tauhan sa Vietnam noong 1941. Sa tulong ng kanyang mga tapat na heneral, kanilang pinagbuklod ang iba't ibang mga gerilyang grupo sa isang koalisyon. Ang koalisyong ito na kanyang pinamunuan ay tinawag na League for Independence for Vietnam o mas kilala sa tawag na Viet Minh. Makalipas ang pagkatalo ng mga Hapon noong World War II, itinatag ni Ho Chi Minh ang Democratic Republic of Vietnam. Gayunpaman, bumalik ang mga French sa Vietnam at kanilang binawi ang kontrol sa bansa. Binuwag ng mga ito ang bagong tatag na pamahalaan ni Ho Chi Minh na nagresulta sa pagsisimula ng First Indochina War noong 1946 sa pagitan ng French Colonial Empire at ng Viet Minh. Naging madugo ang digmaang ito na tumagal mula noong 1946 hanggang 1954. Ginamit ng Viet Minh ang hit and run tactics para labanan ang mas makabagong hukbo ng mga French. Dahil sa kanilang kabiguan na matalo ang mga gerilyang Viet Minh, unti-unting naisip ng mga French kung sulit nga ba ang dugo at perang kanilang ibinubuwis sa Vietnam. Lalong tumindi ang kanilang agam-agam ng durugin ng pwersang Vietnamese ang mga French sa dalawang buwang labanan sa Dien Bien Phu. Ang pagkatalong ito ng mga French ay naging malaking dagok sa kanilang pwersa, kaya't napilitan ang mga ito na makipagnegosasyon sa mga Vietnamese. Makalipas ang negosasyon sa Geneva, Switzerland, nilisan na ng mga French ang Indochina. Ang Vietnam naman ay hinati sa dalawa sa 17th Parallel, kahalintulad ng nangyari sa dalawang Korea. Ang komunistang North Vietnam sa ilalim ni Ho Chi Minh, at ang kapitalistang South Vietnam na pinamumunuan naman ni Ngo Dinh Diem. Sinoportahan ng USSR at China ang North Vietnam, samantalang ang USA naman ang naging pangunahing kaalyado ng South Vietnam. Inasahan na muling mag-iisa ang North and South Vietnam sa pamamagitan ng isang eleksyon noong 1957, ngunit hindi ito natuloy. Nagawang makuha ni Ho Chi Minh ang loob ng napakaraming mga Vietnamese, kaya naman malaki ang kanyang chance na manalo sa isang National Election. Upang maiwasan ang posibilidad na manalo si Ho Chi Minh, agaran muling nagsagawa ng eleksyon sa South Vietnam, kung saan itinanghal na panalo si Ngo Dinh Diem bilang pangulo ng Vietnam. Ang pamumuno ni Ngo Dinh Diem ay mailalarawan bilang isang diktatoryang puno ng nepotismo at korapsyon. Sa kanyang pamumuno, lumaganap ang korapsyon sa lahat ng hanay ng pamahalaan, kapulisan at kasundaluhan. Pinuno ni Diem ang mga mahahalagang posisyon sa pamahalaan ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. Nagsagawa din siya ng pag-atake sa lahat ng pinaghihinalaang komunista, kung saan libu-libong mga tao, komunista man o hindi ang nasawi. Dahil sa mga pagkakamaling ito, lalong naghirap ang buhay ng mga ordinaryong Vietnamese. Sa kabila ng lahat ng kabulukang ito, ang USA ay patuloy na sinuportahan si Ngo Dinh Diem dahil sa paglaban nito sa komunismo. Nangialam ang USA sa Vietnam dahil sa paniniwala nila na kapag naging komunista ang Vietnam, hindi malayo na maging komunista din ang mga kapitbahay nitong bansa kagaya na lamang ng Thailand, Vietnam at maging Pilipinas. Tinawag ang paniniwalang ito bilang The Domino Effect Theory. Sa pamumuno ni Pangulong John F. Kennedy, nagpadala ang USA na mga sundalong Amerikano para magsilbing adviser at suportahan ang mga sundalong South Vietnamese o mas kilala sa tawag na ARVN. Maraming Vietnamese ang nagnais na pabagsakin ang tiwaling pamahalaan ni Diem, kaya't marami sa mga ito ang nahikayat na sumali sa komunistang grupo sa South Vietnam, ang National Liberation Front o mas kilala sa tawag na Viet Cong. Ang Viet Cong ay isang gerilyang grupo na binubuo ng mga komunistang naninirahan sa South Vietnam ngunit kontrolado ng North Vietnam. Gayunpaman, taliwas sa kaalaman ng nakararami, karamihan ng mga miyembro ng Viet Cong ay hindi orihinal na komunista kundi mga ordinaryong mamamayan lamang na nagsawa na sa kabulukan ng pamahalaan ni Diem. Noong 1963, isang grupo ng mga heneral ng South Vietnam ang nakipag-ugnayan sa USA para hingin ang pahintulot nito na palitan sa pwesto si Ngo Dinh Diem. Bagama't hindi umoo ang mga Amerikano, hindi rin nila pinigilan ang napipintong kudeta laban kay Diem.
[9:20]Noong November 1, 1963, kinubkob ng mga nagkudeta na heneral ang palasyo ng presidente at pinatay si Ngo Dinh Diem at ang kanyang kapatid. Makalipas ng dalawang linggo, nasawi naman ang US President na si John F. Kennedy at pinalitan ni Lyndon Johnson. Habang lumalala ang sitwasyon sa South Vietnam, ang North Vietnam naman ay patuloy na naghahanda para sa paparatid na kaguluhan. Maraming baril, bala, tangke, anti-aircraft weapon, at iba pang tulong ang dumating sa North Vietnam. Bukod dito, libu-libong mga military adviser din ang dumating para tulungan sanayin ang mga sundalong North Vietnamese. Sa South Vietnam naman, ang pumalit na pamahalaan kay Diem ay hindi naging popular sa masa. Nabigo ang bagong administrasyon na supilin ang korapsyon at pabutihin ang kondisyon ng pamumuhay ng mga ordinaryong Vietnamese. Nakita ito ng mga komunista bilang pagkakataon na simulan ang pag-atake sa South Vietnam. Libu-libong mga sundalong North Vietnamese ang palihim na tumawid ng 17th Parallel gamit ang Ho Chi Minh Trail at naghintay sa pagsisimula ng kaguluhan. Ang Ho Chi Minh Trail ay serye ng mga kalsada at lagusan na dumadaan sa North Vietnam, Laos, at Cambodia patungong South Vietnam. Ginamit ito ng mga North Vietnamese para iwasan ang pwersang Amerikano at ARVN na nakabantay sa 17th Parallel. Noong August 4, 1964, naganap ang Gulf of Tonkin Incident, kung saan sinasabing inatake ng mga torpedo boats ng North Vietnam ang dalawang US Destroyer na USS Maddox at Turner Joy. Bagama't walang konkretong patunay na naganap nga ang pag-atake, ini-report ni US President Lyndon Johnson ang pangyayaring ito sa US Congress. Dahil dito, agarang pinahintulutan ng Kongreso ng Amerika na ipadala ang kanilang mga sundalo sa Vietnam. Ito na nga ang pagsisimula ng Second Indochina War. Agarang inilipad ang karagdagang 100,000 sundalong Amerikano sa Vietnam para suportahan ang naunang 16,000. Ang pwersang Amerikano sa Vietnam ay pinamunuan ni General William Westmoreland.
[12:08]Agarang siyang nagpagawa ng mga base militar, mga warehouse, imbakan, at mga runway sa iba't ibang bahagi ng Vietnam para magamit ng USA ang kanyang buong lakas. Nakilahok din ang mga kaalyado ng America sa digmaan, kagaya ng South Korea, Australia, Thailand, New Zealand, at ang Pilipinas. Nagsimula din ng taong iyon ang Air Bombing Campaign ng America laban sa North Vietnam na pinangalang Operation Rolling Thunder. Hindi nila agad binomba ang buong North Vietnam sa pag-asa na maiwasan na lalong lumala ang digmaan. Bagkus, araw-araw, parami ng parami ang mga target na pupuntiryahin ng US Air Force at Navy habang lumalaki din ang payload o dami ng bombang kanilang ibinabagsak. Mayroon lamang isang problema ang estratehiyang ito ng mga Amerikano. Hindi pinahintulutan ng mga politiko ang US Air Force at Navy na bombahin ang mga pantalan o daungan ng barko sa North Vietnam dahil sa takot na madamay ang mga barko ng USSR na nakadaong dito. Hindi rin pinahintulutan na magsagawa ng bombing raid sa mga base militar na malapit sa border ng China, kaya naman hindi nahinto ang pagdating ng mga supply sa North Vietnam mula sa China at USSR. Ang mga limitasyong ito ay isinagawa para maiwasang masali sa digmaan ang China at USSR na maaaring pagsimulan ng World War 3. Para naman sa labanan sa lupa, hindi rin pinahintulutan ang pwersang Amerikano na tumawid ng 17th Parallel para sakupin o durugin ang pinagmumulan ng mga komunistang sundalo. Matindi ang takot ng mga politiko sa America na kapag sinakop ng USA ang North Vietnam, maaaring sumali ang China sa digmaan kagaya ng nangyari noon sa Korean War. Dahil sa mga limitasyong ito, masasabi natin na sumali sa labanan ang America ng nakatali ang isang kamay nito. Dahil sa kawalan ng tiyak na plano kung papaanong matatalo ang mga komunista, napilitan si General Westmoreland na gamitin ang doktrina ng attrition warfare. Ayon sa doktrinang ito, masusukat ang pagwawagi sa digmaan hindi sa pamamagitan ng pagsakop ng teritoryo kundi sa gaano kadaming kalaban ang kanilang mapapatay.
[14:58]Gamit ang kanilang mga eroplano, bombahin ng mga Amerikano ang posisyon ng mga Viet Cong sa kagubatan na susundan naman ng Search and Destroy mission sa pag-asa na marami silang mapapatay na kalaban. Inakala kasi ni Westmoreland na kapag marami silang mapapatay na kalaban, darating ang punto na mauubusan ng sundalo ang North Vietnam at mapipilitan ang mga ito na makipagnegosasyon. Hindi ito naging mabisa dahil kadalasan, pinaparami lamang ng mga Amerikano ang bilang ng napapatay nilang komunista sa kanilang report para magmukhang nananalo sila sa mga labanan. Sa kabilang banda, agaran namang natuto ang mga Viet Cong at North Vietnamese kung paano haharapin ang superior na lakas ng kanilang kalaban. Iniwasan nila ang direktang paglaban at bumabalik na lamang sila makalipas na umalis ng mga Amerikano. Naging maparaan ang mga komunista sa kanilang paglaban. Gumawa sila ng mga tunnel sa ilalim ng lupa para iwasan ang mga bomba. May mga tunnel na maliliit lamang kung saan kasya lamang ang isang tao. Mayroon din namang malalaki at komplikado na naglalaman ng mga ospital, command center at kayang magtago ng libu-libong katao. Natuto din silang gumamit ng iba't ibang mga bitag o booby traps para gawing miserable ang buhay ng mga sundalong Amerikano. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang Punji Sticks, Tiger Trap, Bamboo Whip, at maging mga ahas na nakatali sa mga puno. Isa pa sa pinakamalaking suliranin ng mga Amerikano sa pakikipaglaban ay ang kagubatan ng Vietnam. Ang mga makakapal na puno at halaman nito ay isang mabuting taguan para sa mga kalaban. Kaya naman, ginamit ng mga Amerikano ang Agent Orange, isang defoliant o pamatay ng halaman para kalbuhin ang mga kagubatan at bundok. Milyon-milyong ektarya ng kagubatan ang nasira nito na nagresulta sa hindi matatawarang pagkasira sa kalikasan at biodiversity sa Indochina. Karagdagan pa, ang kemikal ng Agent Orange ay nagsanhi ng napakaraming sakit hindi lamang sa mga taong nadampian nito kundi maging sa kanilang mga anak. Noong huling buwan ng 1967, unti-unti nang naiinip ang lider ng North Vietnam. Bagama't dumarami ang mga Amerikanong namamatay at bilyun-bilyong dolyar na ang nauubos ng mga ito sa digmaan, wala pa ding senyales na lilisanin na ng USA ang Vietnam. Kinakailangan nila ng isang malaking panalo na kukumbinsi sa mga Amerikano na umalis na sa Vietnam. Kaya noong January 31, 1968, sinimulan ng mga North Vietnamese ang Tet Offensive. Ang Tet Offensive ay isang sabay-sabay na pag-atake ng mga Viet Cong at North Vietnamese Army sa buong South Vietnam. Halos lahat ng provincial capital, mga lungsod, mga paliparan at base militar sa buong South Vietnam ay sinalakay ng pinaghalong pwersa ng North Vietnamese Army at Viet Cong. Maging ang US Embassy sa Saigon, Capitolio ng South Vietnam ay pansamantalang nakubkob ng mga sumalakay na komunista. Bagama't nabigla sa agarang pagsalakay, mabilis namang nakabawi ang mga Amerikano at South Vietnamese. Mabilis nilang nabawi ang mga teritoryong nasakop ng mga komunista.
[18:57]Tinatayang humigit kumulang 50,000 na komunista ang napatay samantalang 9,000 naman para sa mga Amerikano at South Vietnamese. Sa militar na perspektibo, ganap ang pagkatalo ng mga komunista dahil sa dami ng namatay nilang mga sundalo. Gayunpaman, ang Tet Offensive ay naging isang malaking politikal na pagwawagi para sa kanila. Laging ibinabalita sa America na nananalo na ang pwersang Amerikano dahil sa dami ng mga NVA at Viet Cong na kanilang napapatay. Ang Tet Offensive ay naging malakas na sampal ng katotohanan para sa kanila. Naitanong nila sa kanilang sarili, "kung tunay nga bang nananalo tayo sa digmaan, paano nagawa ng mga komunista ang Tet Offensive?" Lalo pang nagalit ang mga Amerikano ng ipalabas sa balita na nangangailangan pa ng karagdagang 200,000 na sundalo si General Westmoreland. Nakita ito ng masang Amerikano na ebidensya na hindi totoo na nanalo na sila sa digmaan. Dahil sa lumalalang sitwasyon at politikal pressure, napilitan si Presidente Lyndon Johnson na magbigay ng talumpati, kung saan pinangako niya na ititigil ang pagbomba sa North Vietnam para hikayatin ang kanilang mga lider na makipagnegosasyon para sa kapayapaan. Sa kasamaang palad, ang negosasyon sa pagitan ng America, North and South Vietnam ay magtatagal dahil sa pabago-bagong kagustuhan ng bawat panig. Habang nagaganap ang negosasyon, patuloy ang labanan sa mga kagubatan ng Vietnam. Noong 1968, napalitan na si Presidente Lyndon Johnson ni Richard Nixon. Sa payo ng kanyang Foreign Affairs Adviser na si Henry Kissinger, napagdesisyunan nilang bombahin ang Cambodia, kung saan nagkukubli ang maraming mga komunistang North Vietnamese. Ninais na itago ni President Richard Nixon ang pagbomba na ito dahil ang Cambodia ay isang neutral na bansa. Gayunpaman, nakalabas ang impormasyong ito sa media, at ng ibinalita ito sa telebisyon, radyo, at pahayagan, muling nagprotesta ang mga Amerikano. Dahil sa tumitinding protesta laban sa digmaan, napilitan ang pamahalaang Amerikano na ipatupad ang Vietnamization, kung saan ang mga South Vietnamese na sundalo na ang papalit sa posisyon ng mga Amerikanong sundalo sa labanan. Unti-unting pinauwi ng pamahalaang Amerikano ang kanilang mga sundalo habang pinapabilis naman ang pagsasanay ng mga South Vietnamese. Sa kasamaang palad, naging masyadong mabilis ang Vietnamization, kung saan ang mga naiwang South Vietnamese ay kapos sa training at karanasan para maging mabisang pananggalang sa mga beteranong komunista. Makailang beses pa ng nagharap ang kinatawan ng North and South Vietnam at USA para sa negosasyong pangkapayapaan, ngunit sila ay laging bigo na magkasundo. Dahil dito, tumanggi ang North Vietnam na makipag-usap.
[22:33]Gayunpaman, noong January 27, 1973, napilitang dumalo ang North Vietnam sa pagpupulong sa Paris makalipas na muli silang bombahin ng mga Amerikano. Napagkasunduan sa pagpupulong na ito na magkakaroon ng tigil-putukan sa susunod na araw. Bibigyan ng 60 days ang mga Amerikano para lisanin ang Vietnam at wasakin ang kanilang mga base militar. Pakakawalan din ang mga bihag ng digmaan.
[23:06]Mananatiling magkahiwalay ang North and South Vietnam hanggang sa magkaroon sila ng mapayapang pagkakaisa sa hinaharap. Sa puntong ito, nagwakas na ang direktang pakikilahok ng USA sa digmaan. Sa kabila ng Paris Peace Accord, nananatiling mainit ang sitwasyon sa Vietnam. Patuloy ang sagupaan at kamatayan ng daan-daang Vietnamese kada araw. Sa pagsapit ng 1975, inilunsad ng North Vietnam ang isang malakihang opensiba para pag-isahin ang buong bansa. Inasahan ng mga lider ng North Vietnam na tatagal ang opensibang ito ng dalawang taon. Ngunit laking gulat nila ng mabilisang bumagsak ang mga depensa ng South Vietnam. Maramihang sumuko ang mga sundalo ng ARVN sa paparatid na mga komunista. Sinubukan pang isalba ng bagong upong presidente na si Gerald Ford ang sitwasyon sa pamamagitan ng muling pagpapadala ng tulong pinansyal at militar sa Vietnam, ngunit ito ay hinarang ng Kongreso ng America. Masasabi natin na sawa na at pagod ang masang Amerikano sa isang digmaang walang kasiguraduhan ang pagwawagi. Noong April 21, tumakas ang presidente ng South Vietnam na si Nguyen Van Thieu patungong Taiwan. Makalipas lamang ng isang linggo, bumagsak na ang pamahalaang South Vietnamese. Ang ilang mga natitirang Amerikano ay kahiya-hiyang tumakas sakay ng mga helicopter at iba pang sasakyang panghimpapawid. Kasama nilang tumakas ang ilang mga kaibigan, kamag-anak, at katrabahong Vietnamese. Sa pagsapit ng July 2, 1975, dalawang buwan makalipas lumisan ng pinakahuling eroplanong Amerikano sa Vietnam, ang North and South Vietnam ay pormal na pinagbuklod bilang The Socialist Republic of Vietnam. Sa puntong ito, nagwakas na ang 25 taong digmaan sa Vietnam.
[25:25]Ang digmaang ito ay nagresulta sa humigit kumulang 3,400,000 kamatayan, kung saan 2,000,000 sa mga ito ay sibilyan. Tinatayang 1,100,000 naman ang namatay na sundalong North Vietnamese at Viet Cong, samantalang 250,000 naman para sa panig ng mga South Vietnamese. Para naman sa America, tinatayang 58,000 sundalo nila ang nasawi. Napakarami din ang permanenteng napinsala ang katawan at isipan. Dinagdag pa dito ang hindi mabilang na mga taong nagkasakit at kanilang mga naging anak sa magkabilang panig dahil sa mga kemikal na ibinuhos ng USA sa mga kagubatan ng Vietnam. Ang Vietnam War ay isang malaking dagok sa reputasyon ng United States of America. Sinira ng digmaang ito ang reputasyon ng mga Amerikano bilang pinakamalakas na pwersa sa daigdig. Dahil dito, lumakas ang loob ng iba't ibang kilusang komunista sa buong daigdig na paigtingin ang kanilang pagpapalawak ng impluwensya. Sa Vietnam War din nasubok ang lakas ng media at suporta ng mamamayan. Nakita sa digmaang ito na ang ibinabalita ng media ay may malaking epekto sa suporta ng mamamayan at ang suportang ito ng mamamayan ang magdidikta sa kapalaran ng digmaan. Nasuri din sa isyu na ito ang racial equality sa United States of America, kung saan libu-libong mga Black Americans ang lumahok sa digmaan at sa kanilang pagbalik sa kanilang bansa ay humingi ng pantay-pantay na karapatan. Ang Vietnam War din ay naging impluwensyal sa pagbuo ng kulturang popular sa daigdig mula sa mga awitin, mga pelikula, pananamit, at literatura. Masasabi natin na ang Vietnam War ay nag-iwan ng bakas sa kasaysayan na kailanman ay hindi na mabubura.
[27:37]Marami pa tayong kasaysayan pag-uusapan sa hinaharap, kaya siguruhin na pinindot niyo na ang like and subscribe button. Malaki ang maitutulong nito sa ating channel. Muli, ako si Sir Ian at magkita-kita tayo sa susunod na video.



