Thumbnail for BUOD NG IBONG ADARNA | Unang Bahagi by MatutoKayGuro

BUOD NG IBONG ADARNA | Unang Bahagi

MatutoKayGuro

15m 3s1,610 words~9 min read
YouTube auto captions
Transcript source

YouTube auto captions

This transcript was extracted from YouTube's auto-generated caption track. The transcript below is server-rendered so it can be read, searched, cited, and shared without opening the original YouTube player.

Timestamped outline
Pull quotes
[0:24]Ang Paglalakbay ni Don Pedro, Ang Kabiguan ni Don Diego, Ang Pakikipagsapalaran ni Don Juan, Ang Leprosong Ermitanyo, Ang Kagila-gilalas na Ibong Adarna, Ang Kaligtasan ng Dalawang Kapatid at Ang Mahiwagang Katotohanan.
[0:55]Ang Berbanya ay isang mayamang kaharian kung saan sagana, tahimik, at payapa ang pamumuhay.
[0:55]Madalas na may piging at pagdiriwang na nagaganap sa kaharian sapagkat masayahin ang hari't reyna.
[1:19]Nakatakda na silang papiliin kung ang pagpapari o paglilingkod sa kaharian ng Berbanya ang tatahaking landas.
Use this transcript
Related transcript hubs

[0:14]Ibong Adarna. Unang Bahagi. Ang Buod.

[0:24]Unang Bahagi. Ang Berbanya. Ang Karamdamaman ng Hari. Ang Paglalakbay ni Don Pedro, Ang Kabiguan ni Don Diego, Ang Pakikipagsapalaran ni Don Juan, Ang Leprosong Ermitanyo, Ang Kagila-gilalas na Ibong Adarna, Ang Kaligtasan ng Dalawang Kapatid at Ang Mahiwagang Katotohanan.

[0:55]Ang Berbanya ay isang mayamang kaharian kung saan sagana, tahimik, at payapa ang pamumuhay. Madalas na may piging at pagdiriwang na nagaganap sa kaharian sapagkat masayahin ang hari't reyna. May tatlo silang anak na lalaki na pawang may kakayahang magmana ng trono.

[1:19]Sila ay sina Don Pedro, Don Diego, at ang bunsong si Don Juan. Nakatakda na silang papiliin kung ang pagpapari o paglilingkod sa kaharian ng Berbanya ang tatahaking landas. Walang nakahihigit kaninuman sa tatlong prinsipe kung likas na galing at talino ang sukatan kaya lahat sila ay itinanghal na tagapaglingkod ng palasyo.

[1:48]Nagsanay sila sa paghawak ng patalim at sandata ngunit sa pagsapit ng takdang panahon ay isa lamang ang maaaring magkamit ng trono. Hindi maitatwa ng hari na ang paborito niyang anak ay ang bunsong si Don Juan kaya namayani ang inggit sa puso ng panganay na si Don Pedro.

[2:13]Dinapuan ng malubhang karamdaman si Don Fernando dulot ng isang masamang panaginip. Nakita ng hari sa panaginip na pinaslang si Don Juan ng dalawang buhong at inihulog sa malalim na balon. Mula noon ay hindi na nakatulog ang hari at hindi na halos makakain hanggang sa maging buto't balat. Labis ang naging pag-aalala ng reyna at ng tatlong prinsipe dahil walang sinumang makapagbigay ng lunas sa hari.

[2:50]Dumating ang isang medikong paham na nagsabing ang sakit ng hari ay bunga ng panagimpan at ang tanging lunas ay ang awit ng isang ibong matatagpuan sa Bundok ng Tabor at nakadapo sa kumikinang na puno ng Piedras Platas. Sa gabi lamang daw matatagpuan ang ibon sapagkat sa araw ay nasa mga burol ito upang mangingain kasama ang iba pang mga ibon. Noon din ay inutusan ng pinuno ng monarka ang panganay na anak na hanapin at hulihin ang Ibong Adarna.

[3:33]Tatlong buwan ang ginawang paglalakbay ni Don Pedro bago natagpuan ang landas paakyat ng Bundok Tabor. Hindi nakayanan ng kanyang kabayo ang hirap kaya nasawi. Hindi naglaon ay natagpuan din ni Don Pedro ang Piedras Platas. Namangha ang prinsipe sapagkat kumikinang itong tila diyamante. Labis ang kanyang pagtataka dahil isa man sa laksa-laksang ibon na nagdadatingan ay walang nagtangkang dumapo sa puno. Matagal na naghintay si Don Pedro hanggang sa nakatulog. Hindi niya namalayan ang pagdating ng Ibong Adarna. Humapon ang mahiwagang ibon sa sanga ng Piedras Platas at agad nagpalit ng balahibo. Pitong ulit itong umaawit at pitong ulit ring nagpalit ng kulay ng balahibo. Nakasanayan ng Ibong Adarna na dumumi bago tuluyang matulog. Ang ipot ng ibon ay pumatak sa natutulog na si Don Pedro. Iglap lamang at ang prinsipe ng Berbanya ay naging isang bato. Hindi na nakabalik si Don Pedro sa kaharian ng Berbanya kaya inatasan ng Haring Fernando ang ikalawang anak na si Don Diego na hanapin ang kapatid at hulihin ang Ibong Adarna. Limang buwan ang naging paglalakbay ni Don Diego at dahil sa hirap ay namatay din ang kanyang kabayo. Nagpatuloy sa paghahanap ang prinsipe bitbit ang kanyang baon. Hindi niya inaasahang narating na pala niya ang Piedras Platas. Namangha rin siya sa kagandahan nito at labis na pinagtakhan kung bakit walang dumadapo isa mang ibon sa kahoy na kumikinang. Nagpahinga si Don Diego sa isang batong naroon hanggang sa dumating ang Ibong Adarna. Nasaksihan niya ang pitong beses na pag-awit at pagpapalit ng kulay ng balahibo ng ibon ngunit sa lamyos ng tinig ng mahiwagang ibon ay inantok at napaidlip si Don Diego. Napatakan siya ng ipot ng mahiwagang ibon hanggang sa siya'y naging bato. Nagmistulang libingan ang ilalim ng Piedras Platas sapagkat magkatabi ang dalawang prinsipe kapwa naging bato. Tatlong taon na ang lumipas at lalong lumubha ang kalagayan ni Haring Fernando. Nag-aatubili ang hari na utusan si Don Juan na hanapin ang dalawang prinsipe at ang Ibong Adarna. Nag-aalala siyang baka mapahamak ang bunsong anak. Humingi ng bendisyon si Don Juan upang payagan siyang makapaglakbay at hanapin ang lunas ng ama gayundin ang dalawang kapatid. Sa takot ng hari na baka maisipan ni Don Juan na magtanan ay pinahintulutan niya ito. Hindi nagdala ng kabayo si Don Juan at sa halip ay naglakad. Naniniwala ang prinsipe na ang matapat na layunin ang magbibigay sa kanya ng biyaya.

[7:09]Nagbaon siya ng limang tinapay at tuwing makaisang buwan lamang kumakain. Hindi niya alintana ang anumang gutom, pagod, at hirap na dinaranas. Panay ang usal niya ng panalangin sa Mahal na Birhen upang matagalan ang hirap. Apat na buwan siyang naglakbay at tumigas na ang natitira niyang tinapay. Narating ni Don Juan ang kapatagang bahagi ng Bundok Tabor. Doon ay natagpuan niya ang isang leprosang matandang lalaki.

[7:47]Humingi ng limos ang leproso kay Don Juan. Ipinagkaloob ng prinsipe sa matanda ang natitira niyang tinapay. Nalaman ng leproso ang pakay ni Don Juan sa lugar na iyon. Nagbilin siya kay Don Juan na huwag masilaw sa kinang ng Piedras Platas at at sa halip ay tumanaw sa ibaba upang makita ang isang dampa. Doon ay matatagpuan ng prinsipe ang isang ermitanyong makakatulong sa paghanap ng lunas sa sakit ng hari. Isinauli ng leproso ang tinapay kay Don Juan pero ayaw iyong tanggapin ng prinsipe. Narating ni Don Juan ang Piedras Platas at dahil sa pagkamangha ay muntik nang makalimot sa tagubilin ng leproso. Nagbalik ang diwa niya at nakita ang dampa.

[8:48]Nagtungo si Don Juan upang humingi ng tulong sa ermitanyo. Laking pagtataka ng prinsipe nang makita sa loob ng dampa ang ibinigay na tinapay sa leproso. Sa kabila ng hiwagang nararamdaman ay buong pagtitiwalang nakinig ang prinsipe sa payo ng ermitanyo. Natuklasan niya na ang Ibong Adarna ay isang engkantado.

[9:18]Malalim na ang gabi kung ito ay dumapo sa Piedras Platas. Pitong beses na umaawit ang ibon at pitong beses ding nagpapalit ng kulay ng balahibo. Sa oras na umaawit ang ibon ay kailangan niyang hiwain ang palad at pigaan ng dayap upang malabanan ang antok. Bago matulog ang ibon ay dudumi ito at kailangang maiwasan niya iyon upang hindi maging bato. Ibinigay ng ermitanyo ang sintas na ginto para magamit niyang panghuli at panggapos sa ibon. Nasa ilalim ng punong Piedras Platas si Don Juan. Hindi siya napagod sa paghihintay hanggang sa lumalim na ang gabi. Humapon na rin sa wakas ang Ibong Adarna sa Piedras Platas. Kahanga-hanga ang taglay na gilas at kariktan ng ibon na labis na nagpahiwaga ng daigdig. Nagsimula na itong umawit at nagpalit na rin ng kulay ng balahibo. Napahikab si Don Juan nang marinig ang awit ng ibon. Hiniwa ni Don Juan ang palad sa pamamagitan ng labaha at pinigaan ng dayap ang sugat. Tila pinanawan siya ng bait sa tindi ng sakit kaya't tuluyang nawala ang antok. Pitong awit ng ibon ang katumbas ng pitong sugat ni Don Juan sa palad. Dumumi ang ibon ngunit iniwasan ni Don Juan na mapatakan ng ipot upang hindi maging bato. Natulog na ang Ibong Adarna na nakabuka ang mga pakpak at dilat ang dalawang mata kaya mapagkakamalang gising pa. Marahang umakyat sa puno si Don Juan dala ang sintas na ginto. Agad niyang sinunggaban ang ibon upang maitali sa paa. Dinala ni Don Juan ang ibon sa dampa at natutuwang hinimas pa ito ng ermitanyo saka ikinulong sa hawla. Inutusan ng ermitanyo si Don Juan na kunin ang banga at punuin ng tubig para buhusan ang dalawang batong tila puntod na nasa ilalim ng Piedras Platas. Agad sinunod ni Don Juan ang utos. Agad siyang sumalok ng tubig at nagtungo sa dalawang bato. Binuhusan ni Don Juan ng tubig ang batong si Don Pedro at agad itong nabuhay. Tumayo si Don Pedro at nanangis na niyakap ang bunsong kapatid. Isinunod na iniligtas ni Don Juan si Don Diego at tulad ng panganay na kapatid ay naging tao ito muli. Masayang nagyapakan ang tatlong prinsipe. Labis silang nagagalak sa tiyak na kaligtasan ng kanilang amang hari dahil sa pagkahuli ni Don Juan sa Ibong Adarna. Nagpunta sa dampa ng ermitanyo ang tatlong prinsipe at animo'y nagkaroon ng piging sa dami ng pagkaing inihanda para sa kanila.

[12:46]Pinahiran ng ermitanyo ng gamot mula sa botelya ang sugat sa palad ni Don Juan at agad na gumaling. Nabigla na naman si Don Juan sa panibagong hiwaga na namalas niya. Nagbilin ang ermitanyo sa tatlong prinsipe na nawa'y makarating sila ng malugod at mapayapa sa kahariang Berbanya alang-alang sa kaligtasan ng hari. Sinabi rin ng ermitanyo na ang paglililo'y huwag sanang manahan sa kaninumang puso. Naunang naglakad si Don Juan habang dala ang hawla. Palihim namang kinausap ni Don Pedro si Don Diego. Dahil sa labis na inggit ay binalak ni Don Pedro na patayin si Don Juan. Nabigla si Don Diego at agad tumutol sa plano ng panganay na kapatid ngunit sa huli'y nakumbinsi din. Sumang-ayon ito na bugbugin si Don Juan basta huwag lamang papatayin. Natuwa si Don Pedro sapagkat iiwanan nilang sugatan si Don Juan sa kagubatan kaya natitiyak na doon na rin ito daratnan ng kamatayan at at sila na ang mag-uuwi ng Ibong Adarna. Pinagtulungan nina Don Pedro at Don Diego na bugbugin ang bunsong kapatid. Hindi nanlaban si Don Juan. Gulapay siyang iniwanan sa gitna ng kagubatan saka tumakas ang dalawa tangay ang Ibong Adarna. Abangan... Ikalawang Bahagi. - Ang Katampalasan nina Don Pedro at Don Diego, - Ang Panalangin ng Prinsipe, - Ang Kaligtasan, - Ang Pagbabalik ni Don Juan, - Ang Muling Pagtataksil, - Ang Muling Paglisan ng Bunsong Prinsipe, - Ang Bagong Paraiso, - Ang Mahiwagang Balon ng Armenya. Sanggunián.

[14:59]Maraming Salamat! At hanggang sa muli!

Need another transcript?

Paste any YouTube URL to get a clean transcript in seconds.

Get a Transcript