[0:00]Ang globalisasyon at pagkamamamayan ng daigdig. Ang mga pag-unlad sa agham at teknolohiya, transportasyon, komunikasyon at information technology, partikular na ang pag-usbong ng internet ay ilan sa mga salik na nagbigay-daan sa paglaganap ng globalisasyon sa modernong panahon. Ang globalisasyon. Ang globalisasyon ay tumutukoy sa pinaunlad at pinalawak na ugnayan ng mga bansa sa daigdig bunsod ng pagpapalitan ng impormasyon, kalakal at mga aspekto ng kultura. Ang modernong anyo ng globalisasyon ay naging posible sanhi ng mga pag-unlad ng teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon. Binigyang daan nito ang pagtaas ng migrasyon o pandarayuhan ng mga tao, paghahalo ng mga kultura, pinalakas na ugnayang pang-ekonomiya at kooperasyong pampolitika. Naimpluwensiyahan ng interaksyon sa pagitan ng mga estado, mga korporasyong transnasyonal, at mga panrehiyon at pandaigdigang institusyon ang globalisasyon. Nagsisilbi rin itong tulay upang mabawasan ang espasyo at distansiya sa pagitan ng mga tao, pamayanan at institusyon sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Maiuugnay ang kontemporaryong ideya ng globalisasyon sa pag-usbong ng kolonyalismo noong ika-15 hanggang ika-20 dantaon. Noong panahong ito ay pinalawak ng mga kahariang Europeo ang kanilang mga imperyo sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga kolonya at mga ruta ng kalakalan sa iba't ibang panig ng daigdig. Bunsod nito ay nagkaroon ng mas pinalawak na pandarayuhan ng mga tao at pagpapalitan ng mga kalakal at ideya na naging batayan sa pagsisimula ng pandaigdigang ugnayang pang-ekonomiya at pangkultura. Ang mga uri ng globalisasyon. Ang globalisasyon sa ika-20 dantaon ay pangunahing itinataguyod ng paglago ng ekonomiya at pag-unlad sa kalakalan. Sa kasalukuyan ay mauuri ang globalisasyon sa tatlong pangunahing aspekto: Globalisasyong Pang-Ekonomiya, Globalisasyong Pampolitika, Globalisasyong Pangkultura. Ang tatlong ito ay may magkakaibang tuon, ngunit magkakaugnay ang ilan sa mga ideyang itinataguyod nito. Ang globalisasyong pang-ekonomiya. Mailalarawan ang globalisasyong pang-ekonomiya bilang pagtaas ng antas ng pagkakaugnay-ugnay o integrasyon ng mga ekonomiya sa daigdig bilang resulta ng paglawak ng kalakalan ng mga produkto at serbisyo. Makikita ang globalisasyon ng ekonomiya sa malayang kalakalan (free trade) sa pagitan ng iba't ibang bansa dulot ng mga patakarang nagtataguyod ng liberalisasyon ng kalakalan. Tumutukoy ang liberalisasyon ng kalakalan sa pag-aalis ng mga hadlang o restriksyon sa kalakalan tulad ng pagtanggal at pagpapababa ng taripa at quota sa mga produktong iniaangkat at iniluluwas ng mga bansa. Ang pinsalang dulot ng Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagbigay-daan sa pagkakatatag ng mga pandaigdigang institusyon na nagsulong ng kooperasyon at pag-unlad ng ekonomiya at pampolitika. Sa pagpasok ng dekada '70 ay nagkaroon ng pagbabagong anyo ang globalisasyong pang-ekonomiya. Muling umusbong at naging maimpluwensiya ang mga ideya ng neoliberalismo na nagtataguyod ng pilosopiya ng kapitalismo. Sa ilalim ng sistemang kapitalismo, ang mga paraan ng produksiyon ng isang lipunan ay hawak ng mga pribadong indibidwal o organisasyon at hindi ng pamahalaan. Ang mga produkto, presyo, pamamahagi ng mga kalakal ay pangunahing itinatatakda ng kompetisyon sa isang malayang pamilihan. Kaugnay din nito ang deregulasyon ng mga industriya at pribatisasyon ng mga negosyo at serbisyong pag-aari ng estado. Sa ganitong paraan ay pinaniniwalaang magkakaroon ng kompetisyon sa pamilihan na hahantong sa mas mahusay at epektibong paghahatid ng mga mas mahusay at epektibong paghahatid ng mga produkto at serbisyo para sa mga mamamayan. Ang globalisasyong pampolitika. Tumutukoy ang Globalisasyong Pampolitika sa proseso ng patuloy na paglawak at pagkakaugnay-ugnay ng mga sistemang pampolitika sa daigdig. Ito ay karaniwang nauugnay sa pandaigdigang pamamahala na binubuo ng mga institusyong naglalayong lutasin ang iba't ibang suliranin sa panig ng mundo. Binabalangkas ng mga institusyong ito ang mga patakarang sa pagtutulungan at paglutas sa mga tunggalian sa konteksto ng pandaigdigang politika. Isinusulong ng globalisasyong pampolitika ang pagkakaugnay-ugnay ng mga estado. Ang mga suliranin tulad ng pagbabago ng klima, terorismo at mga pandemya ay hindi maaring matugunan ng iisang bansa lamang. Bagkus ay nangangailangan ito ng sama-samang pagkilos sa pamamagitan ng mga kasunduan, patakarang multilateral at mga alyansa sa pagitan ng mga bansa. Kasama na rin dito ang pagkakaroon ng mga regulasyon hinggil sa mga aksiyong dapat tahakin ng isang estado tulad ng mga kasunduan sa kalakalan, seguridad, pangangalaga sa kapaligiran at karapatang pantao. Sa kasalukuyan, ang globalisasyong pampolitika ay hinuhubog ng mga alyansa at kasunduang diplomatiko na nagsimula noong ikalawang bahagi ng ika-20 dantaon. Ang United Nations ay isang halimbawa ng manifestasyon ng globalisasyong pampolitika. Ang mga ahensiya ng UN ay nagsisilbing tulay sa pagpapalaganap ng globalisasyong pampolitika sa mundo. Sa kabuuan, ang globalisasyong pampolitika ay isang transformatibong puwersa na may kakayahang baguhin at hubugin ang pampolitikang tanawin ng daigdig. Ang globalisasyong pangkultural. O ang pagpapalitan ng mga aspekto at impluwensiya ng kultura sa pagitan ng mga indibidwal, pangkat ng tao at mga bansa. Ito ay bunga ng pinaunlad na teknolohiyang pang-impormasyon at pangkomunikasyon gamit ang mga bagong anyo ng media tulad ng internet at mataas na antas ng migrasyon. Mithiin ng globalisasyong pangkultura na makabuo ng isang pandaigdigang kultura na binubuo ng mga karaniwang karanasan at mga pagpapahalagang nagbubuklod sa mga mamamayan ng daigdig. Ang mga tradisyunal at modernong elemento ng kultura mula sa iba't ibang bansa ay nagsasama-sama upang lumikha ng mga bagong anyo ng kultural na pagpapahayag. Ilan sa mga katangian ng pandaigdigang kultura ang mga unibersal na simbolo tulad ng mga brand ng mga damit o sapatos. Mga icon tulad ng karakter sa palabas sa telebisyon at pelikula, mga teknolohiya gaya ng mga smartphones na kinikilala at ginagamit sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Isa sa katangian ng pandaigdigang kultura ang impluwensiya ng media at industriya ng entertainment sa pamumuhay ng tao. Ang mga pelikula, musika, palabas sa telebisyon, social media at iba pang anyo ng entertainment na sikat sa maraming bansa ay nakakatulong sa paghubog ng isang magkatulad na karanasang kultural. Ang pandaigdigang popularidad ng manga, anime at gaming culture ng Japan. At ang hallyu wave ng Korea na kinatatampukan ng mga kinagigiliwang awitin, sayaw at palabas na Koreano ay ilang halimbawa ng globalisasyong pangkultura. Ang globalisasyon ng kultura ay nagtataguyod ng pagpapalitan ng mga ideya, tradisyon at pamumuhay na nagpapayaman sa mga lipunang may magkakaibang pananaw at karanasan. Katuturan ng Global Citizenship.
[8:39]Ang mga tao sa daigdig sa kasalukuyan ay pinagbubuklod sa aspektong sosyokultural, pang-ekonomiya at pampolitika sa pamamagitan ng media, telecommunication, paglalakbay, pandarayuhan, kalakalan at mga pandaigdigang sistema at regulasyon. Kaya naman mahalaga na mahubog sa mga mamamayan ang mga pagpapahalagang nakatuon sa pagiging bahagi ng pandaigdigang pamayanan. Ang Global Citizenship ay ang pagiging bahagi ng sangkatauhan at ang pagkakaugnay sa lahat ng tao, anuman ang kanilang nasyonalidad, kultura o relihiyon. Kinikilala nito ito at responsibilidad ng bawat isa na igalang, unawain at makipagtulungan sa iba pang mga mamamayan ng daigdig. Bahagi ng pagiging global citizenship ang pagiging global citizen o mamamayan ng daigdig. Ang mga sumusunod ay mga katangian ng isang global citizen. Mayroong kamalayan sa mas malawak na mundo at pag-unawa sa kaniyang papel; Iginagalang at pinapahalagahan ang pagkakaiba-iba ng mga pangkat ng tao; Nauunawaan ang mga sistemang namamahala sa pandaigdigang pamayanan; May sigasig sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan; Nakikilahok sa pamayanan sa iba't ibang antas; Nakikipagtulungan upang gawing payapa at likas-kaya ang pamumuhay sa mundo; at Tinatanggap ang responsibilidad para sa kaniyang mga aksiyon. Ang katuturan ng global citizenship ay makikita sa kung paano dapat mamuhay at kumilos ang isang tao bilang isang mamamayan na kumikilala at gumagalang sa pagkakaiba-iba ng mga pamayanan sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Nilalayon ng konseptong ito ang pagkakaroon ng mas malayang interaksyon at paggalaw ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundo na may paggalang at pagpapahalaga sa mga lokal na kultura. Mga Isyu at Hamon Bilang Global Citizen.
[10:42]Ang daigdig ay binubuo ng iba't ibang kultura na may kani-kaniyang mga tradisyon, pagpapahalaga at mga pananaw. Bahagi ng pagiging global citizen ang pagkakaroon ng interaksyon sa mga pagkakakaibang ito na maaring humantong sa hindi pagkakauunawaan, pagkiling at pagsasalungat ng mga kultura. Sa kabila ng pagiging daan ng global citizenship sa pagtataguyod ng pandaigdigang kooperasyon, katarungang panlipunan at likas-kayang pag-unlad ay nahaharap ito sa ilang hamon at kritisismo. Para sa ilang kritiko, ang global citizenship ay isang anyo ng imperyalismong pangkultura na nagtatakda ng mga Kanluraning ideya sa iba't ibang lipunan na mayroong sariling mga tradisyon at pagpapahalaga. Sinasalamin nito ang Kanluraning pananaw na hinggil sa kung ano ang mabuti at makatarungang pamamahala. Isa pang hamon sa global citizenship ay ang kritisisimong ito ay isang pribilehiyo na para lamang sa mga nakapag-aral, may-kaya at may kakayahang makapaglakbay o manirahan sa ibang bansa. Maaari ding hamon sa mga global citizen ang pagkakaroon ng hindi malinaw na ideya ng kanilang pagkakakilanlan habang sila ay nakikihalubilo sa iba't ibang kultura. Maaari silang mahirapang makabuo ng kanilang pagkakakilanlan dahil sa nararanasang tunggalian sa kanilang sarili tungkol sa kanilang pinagmulan at ang kanilang papel sa malawak na mundo. May ilang kritiko rin ang nagsasabi na isang hadlang ang global citizenship sa pambansang pagkakakilanlan at soberanya ng isang estado. Sa panahon kung kailan muling lumalakas ang nasyonalismo sa iba't ibang panig ng daigdig, Ang ideya ng pagiging global citizen ay nakikita na banta sa diwa ng pagkakaisa, pagmamalaki sa kultura at awtonomiya sa politika ng isang bansa. Iisa rin sa mga puna ng mga kritiko sa pagiging global citizen ay maari nitong mapahina o matabunan ang responsibilidad ng isang indibidwal sa kaniyang bansang pinagmulan dahil sa paghikayat sa kanila na maging mamamayan ng daigdig. Sa ilalim ng global citizenship ay ipinalalagay na mayroong mga mekanismo para sa sama-samang pagkilos na may pandaigdigang saklaw. Gayunpaman, ang kakulangan ng isang epektibong sistema ng pamamahala sa daigdig ay maaring maglimita sa mga global citizen na makalikha ng makabuluhang pagbabago. Ang hindi sentralisadong balangkas ng mga pandaigdigang institusyon, tulad ng United Nations, at ang pangingibabaw ng mga makapangyarihang bansa ay maaring makapagpahina sa isang mas demokratiko at may pananagutan na pandaigdigang kaayusan. Sa kabila ng mga hamong ito, marami ang naniniwala na ang global citizenship ay nananatiling isang mahalagang konsepto. Ang globalisasyon at pagkamamamayan ng daigdig.



